Naniniwala ang Malacañang na ang pagwawagi ni Sen. Barack Obama bilang President-Elect ng Estados Unidos ay magbi bigay ng pag-asa sa mga Fil-Am na pulitiko at iba pang minority sa US para matupad ang kanilang pangarap na magiging susunod ding pangulo ng Amerika.
Sinabi nina Deputy Spokespersons Lorelei Fajardo at Anthony Golez, nagbukas ng pag-asa sa mga Fil-Am sa US ang pagwawagi ni African-American Sen. Obama ng Democratic Party laban kay Republican presidential candidate Sen. John McCain.
Ayon kay Usec. Fajardo, maraming mga Fil-Ams ang aktibo sa US government at mga halal na kongresista at alkalde sa iba’t ibang lugar sa Estados Unidos.
“Anything is possible, it is the land of free. Baka magkaroon na din ng isang Fil-Am na magiging pangulo ng US someday,” wika pa ni Fajardo.
Sa panig naman ni Usec. Golez, hindi lamang ang mga Fil-Ams kundi ang iba pang minority sa US ang makikinabang sa pagkapanalo ni Obama sa nakalipas na US presidential elections.
Naniniwala naman ang ilang senador na pabor sa mga Pinoy ang pagka-panalo ni Barack Obama bilang ika-44 na presidente ng Amerika.
Ayon kay Senator Edgardo Angara, malaki ang simpatiya ni Obama sa mga bansa sa Asia dahil dito naunang nanirahan ang kaniyang pamilya.
Marami umanong minorities na katulad ng mga Pinoy ang nakasalamuha ni Obama kaya alam niya ang sitwasyon ng mga ito.
Pero aminado sina Senate Minority Leader Aquilino Pimentel J., at Sen. Benigno “Noynoy” Aquino III na malayo pang mangyari ang pagkakaroon ng Fil-Am president dahil kahit sa Amerika ay watak-watak ang mga Pinoy.
Samantala, agad nagparating ng pagbati si Pangulong Arroyo kay Obama sa pagsasabing ang kanyang panalo ay pagmumulan ng “pag-asa at inspirasyon”, hindi lang ng mga Amerikano kundi sa lahat ng tao sa mundo.
Ayon kay Executive Secretary Eduardo Ermita, sinubukan ni Pangulong Arroyo na tawagan sa telepono si Obama upang personal nitong batiin ang ika-44 na Pangulo ng US subalit hindi niya ito nakausap.
Wika ni Sec. Ermita, hindi man nakausap ng personal ni PGMA si Obama ay nakarehistro naman ang tawag nito sa US State Department.
Kasabay nito, pinuri ni Press Secretary Jesus Dureza ang Republican candidate na si John McCain at ang mga Amerikano sa pagpapakita ng malakas at matatag na demokratikong proseso ng halalan, sa gitna ng krisis na kanilang nararanasan.
Sa panalong ito ni Obama, sinabi ni Dureza na umaasa ang Arroyo administration sa mas matinding kooperasyon sa pagitan ng Estados Uni dos at Pilipinas dahil ang pamahalaan at Democratic Party, kung saan kabilang si Obama, ay matibay na magkaalyado.
Si Obama ang naging unang African-American president ng US matapos talunin si McCain sa pama magitan ng krusyal na panalo sa Ohio, Florida, Virginia at Iowa.