Pinas pang-5 sa maraming nagugutom
Apat sa 10 Pinoy sa ngayon ang may kaka rampot lamang na makakain o kaya’y wala ng maihain pa sa kanilang mga hapag-kainan dahilan upang maitala ang Pilipinas bilang ika-lima sa mga bansang maraming nagugutom.
Sa survey ng Gallup International-Voice of the People 2008 sa ginanap na World Food Day kamakailan, lumalabas na 40% sa mga Pinoy ang nagsasabing salat sila sa makakain at minsan ay wala ng maihain pa sa kanilang mga lamesa sa loob ng nakalipas na 12 buwan.
Lumalabas din umano sa survey na nagtala ng pinaka-mataas na hunger rate ang Metro Manila kung saan may 500,000 pamilya ang walang sapat na makakain dito sa araw-araw.
Bunga nito, kahanay na ngayon ng Pilinas ang mga African at Asian nations kung ang bilang ng mga nagugutom ang pag-uusapan.
Nangunguna sa may pinaka-mataas na antas ng mga nagugutom ang Cameroon 55 %, Pakistan 53%, Nigeria 48%, Peru 42 % at ang Pilipinas, 40%.
Kabilang din sa mga may mataas na hunger rate ang mga Latin American countries gaya ng Bolivia at Guatemala na pawang nagtala ng 35%, Ghana 32%, Mexico at Russia 23%.
Ang Africa naman sa regional level o continent level ang may pinakamataas na bilang ng mga naguguton na sinundan ng Asia, 20%, Eastern at Central Europe 19%, habang pangatlo naman ang Latin America na may 14% at pang-apat ang North America,13%.
Ang may pinaka-mababang hunger rate ay ang Western Europe na may 7% lamang. (Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending