Bilang pagtalima sa direktiba ng Energy Regulatory Commission, sinimulan kahapon ng Manila Electric Company ang pagbabalik sa consumer ng deposito sa metro o kuntador ng kuryente.
Ayon kay Roberto R. Almazora, First vice president at head ng Customer retail services ng Meralco, unang mabibiyayaan ang mga kustomer na may maliit na konsumo na nakapagbayad simula 1987 hanggang 2004 at susunod ang mga malaki ang konsumo na nagbayad noong 1987 hanggang 2006.
Binanggit ni Almazora na tanging ang mga naabisuhan sa buwanang bill ang magtungo sa business center ng Meralco.
Binanggit nito na kailangan lamang magdala ng dokumento tulad ng orihinal na resibo ng deposito at kung wala ay maaring magpakita ng patunay na siya ang nagmamay-ari ng deposito gayundin ang isang identification card. (Edwin Balasa)