Jocjoc magtatagal pa sa St. Luke's

Posibleng magtagal pa sa St. Luke’s Medical Center si dating Agriculture undersecretary Jocelyn “Jocjoc” Bolante matapos kakitaan ng paninigas ng mga arteries o ugat sa kanyang puso.

Ito ang sinabi ng attending physician ni Bo­lante na si Dr. Romeo Sa­avedra sa isang press conference kahapon.

Ayon kay Saavedra, marami pang daraanang medical procedure si Bo­lante. Aniya, ilan lamang sa mga test na naisagawa na ay ang Electrocardiogra­phy, 2D Echo, Abdominal Ultrasound at CT scan ng Chest na nagpapakita ng senyales ng Atheoro­matous Aoarta at coronary arteries na ka­ilangan pang bu­sisiin ng husto ng paga­mutan.

Lumalabas din sa pag­susuri na mayroong pe­ptic ulcer si Bolante at nga­ yong Biyernes sasailalim siya sa stress test at gastroscopy exam upang ma­busisi ang kanyang ulcer.

Bunsod nito, hindi ma­sa­sabi ni Saavedra kung kailan puwedeng lumabas ng ospital at humarap sa pagsisiyasat ng Senado si Bolante at malamang sa loob na ito ng ospital mag­selebra ng Undas.

Magugunitang pagda­ting sa bansa ni Bolante, agad itong ideneretso sa St. Luke’s dahil sa pana­nakit ng dibdib.

Samantala, hanggang Lunes na lamang o Nob­yembre 3 ang ibinigay na ultimatum ng Office of the Senate Sergeant-at-arms kay Bolante para manatili sa ospital.

Ginawa ni ret. Gen Jose Balajadia ng OSSAA ang ultimatum dahil na rin sa pahayag ni Dr. Mariano Blancia Jr. na sapat na ang limang araw para makum­pleto ang mga isinasa­gawang medical examination kay Bolante.

Sinigurado ni Balajadia na agad nilang dadalhin si Bolante sa Senado kapag napatunayan ng mga dok­tor sa Senado na wala na­man itong matinding ka­ram­daman.

Inihayag kamakalawa ni Blancia na ibabatay nila ang kanilang rekomen­dasyon sa magiging re­sulta ng mga medical exa­mination kay Bolante.

Naniniwala rin si Blancia na hindi “dodok­torin” ang resulta ng medical examination dahil may sinusunod na “ethics” ang mga medical practitioners. (Angie dela Cruz/Malou Escudero/Rudy Andal)

Show comments