Jocjoc magtatagal pa sa St. Luke's
Posibleng magtagal pa sa St. Luke’s Medical Center si dating Agriculture undersecretary Jocelyn “Jocjoc” Bolante matapos kakitaan ng paninigas ng mga arteries o ugat sa kanyang puso.
Ito ang sinabi ng attending physician ni Bolante na si Dr. Romeo Saavedra sa isang press conference kahapon.
Ayon kay Saavedra, marami pang daraanang medical procedure si Bolante. Aniya, ilan lamang sa mga test na naisagawa na ay ang Electrocardiography, 2D Echo, Abdominal Ultrasound at CT scan ng Chest na nagpapakita ng senyales ng Atheoromatous Aoarta at coronary arteries na kailangan pang busisiin ng husto ng pagamutan.
Lumalabas din sa pagsusuri na mayroong peptic ulcer si Bolante at nga yong Biyernes sasailalim siya sa stress test at gastroscopy exam upang mabusisi ang kanyang ulcer.
Bunsod nito, hindi masasabi ni Saavedra kung kailan puwedeng lumabas ng ospital at humarap sa pagsisiyasat ng Senado si Bolante at malamang sa loob na ito ng ospital magselebra ng Undas.
Magugunitang pagdating sa bansa ni Bolante, agad itong ideneretso sa St. Luke’s dahil sa pananakit ng dibdib.
Samantala, hanggang Lunes na lamang o Nobyembre 3 ang ibinigay na ultimatum ng Office of the Senate Sergeant-at-arms kay Bolante para manatili sa ospital.
Ginawa ni ret. Gen Jose Balajadia ng OSSAA ang ultimatum dahil na rin sa pahayag ni Dr. Mariano Blancia Jr. na sapat na ang limang araw para makumpleto ang mga isinasagawang medical examination kay Bolante.
Sinigurado ni Balajadia na agad nilang dadalhin si Bolante sa Senado kapag napatunayan ng mga doktor sa Senado na wala naman itong matinding karamdaman.
Inihayag kamakalawa ni Blancia na ibabatay nila ang kanilang rekomendasyon sa magiging resulta ng mga medical examination kay Bolante.
Naniniwala rin si Blancia na hindi “dodoktorin” ang resulta ng medical examination dahil may sinusunod na “ethics” ang mga medical practitioners. (Angie dela Cruz/Malou Escudero/Rudy Andal)
- Latest
- Trending