Impeachment vs GMA inendorso na ni JDV
Nakahanda uma nong harapin ni dating House Speaker at Pangasinan Rep. Jose de Venecia ang magiging “karma’ sa kanya sa ginawang desisyon nito ng pag-indorso ng panibagong impeachment complaint na isinampa laban kay Pangulong Arroyo.
Sinabi ni JDV sa ginanap na pulong-balitaan sa Makati City na handa na siya sa anumang kahihinatnan ng kanyang pag-indorso, lalo’t natikman na umano nito ang galit ng Malacañang hindi lamang isa kundi dalawang beses tulad ng pagpapatalsik sa kanya bilang pinuno ng Kamara at pagtanggal bilang pinuno ng Lakas-NUCD party.
Bukod sa pag-iindorso, handa na rin umano si De Venecia na tumestigo laban sa Pangulo sa oras na simulan na ang pagdinig sa Kamara.
Kanya umanong sasagutin ang lahat na katanungan, maging ang tungkol sa kontrobersyal na Northrail project.
Inamin din ng dating speaker na una siyang nagdadalawang-isip sa pag-indorso sa impeachment case laban sa Pangulo bunsod ng “delicadeza” ngunit ang konsensiya umano nito ang umiral.
Kaugnay nito, hiniling ng mambabatas ang kanyang mga kasamahan sa Kamara na tratuhin ang asunto batay sa merito at hindi sa party affiliation.
Iginiit pa ni de Venecia na hindi lamang ito laban ng kanyang anak na si Joey kundi laban ng taong bayan.
Isa rin sa sinasabing dahilan kung bakit nagdesisyon si JDV na suportahan ang impeachment ay matapos ang kanyang pakikipagpulong kina Bro. Eddie Villanueva ng JIL, Lingayen-Dagupan Archbishop Oscar Cruz at retired Gen. Fortunato Abat.
- Latest
- Trending