15 pulis-NAIA bagsak sa 'neuro test'
Tatlong opisyal at 12 kagawad ng Airport Police Department (APD) na nakabase sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang umano’y bumagsak sa “neurological test”sa AFP Medical Center at inirekomenda kay Manila International Airport Authority (MIAA)General Manager Al Cusi na disarmahan ang mga ito.
Base sa umiiral na alituntunin o patakaran ng AFP Medical Center na nasa V. Luna, Quezon City, kung ang pagbabatayan ay ang resulta ng eksaminasyon ng 15 APD cops kabilang ang isang kapitan at dalawang tinyente, ay nararapat lamang na disarmahan sila dahil sa posibleng hindi makontrol na pag-iisip at delikado ang paghahawak ng baril.
Dapat ring umaksyon ang hepe ng APD at ilagay sa floating status ang mga airport police na bumagsak sa neuro test habang sila ay iniimbestigahan..
Nabatid sa rekomendasyon na hindi umano nararapat na bigyan ng maselang posisyon sa NAIA ang mga bumagsak sa neuro test na airport policemen dahil sa ‘psychologically unstable’ ang kanilang pag-iisip na posibleng mag bigay ng kapahamakan sa pambansang paliparan.
Dahil dito, inihahanda na ang paghahain ng petisyon ng mga kasamahan ng 15 airport policemen na sumemplang na pansamantala silang ilipat sa puwesto. (Ellen Fernando)
- Latest
- Trending