Senado di sinipot, Dela Paz pinaaresto ni Miriam
Ipinag-utos kahapon ni Sen. Miriam Defensor-Santiago ang pag-aresto kay dating Philippine National Police comptroller Eliseo dela Paz dahil sa kabiguan nitong dumalo sa pagdinig kahapon ng komite ng senadora kaugnay sa P6.9 milyon na dinala nito sa Moscow, Russia.
Hindi naman idinamay ni Santiago sa mga ipapaaresto ang misis ni dela Paz dahil baka umano maapektuhan ang pamilya niya.
“Wag na lang (ipaaresto ang asawa) dahil baka maapektuhan ang pamilya. Ang tatay wala tayong magagawa dahil yun ang sinasabi ng batas, pero kung nanay baka pati anak ay apektado kaya pinabayaan ko na lang although actually in theory we can order her arrest,” sabi ni Santiago, chairman ng Foreign Relations Committee.
Kaagad namang pumalag ang kampo ni dela Paz sa warrant of arrest at dadalhin umano ang usapin sa Korte Suprema.
Tanging ang abogado lamang ni dela Paz na si Atty. Noel Malaya ang sumipot sa Senado.
Naniniwala si Malaya na walang hurisdiksyon ang komite ni Santiago sa kanyang kliyente dahil wala naman umanong naganap na ‘government to government’ transaction sa isyu ng pondong dinala ng PNP sa Russia.
Ang PNP anya ang nakakasakop sa pagkakadawit ni dela Paz sa Russia at naipaliwanag naman umano na ‘standby fund’ ang nasabing salapi.
Warrant ‘di pinirmahan ni Pia
Gayunman, sa kabila nang kautusan ni Santiago ay hindi kaagad maaring arestuhin si dela Paz dahil hindi pa nilalagdaan ni Sen. Pia Cayetano, OIC ng Senado, ang arrest warrant.
Sa isang panayam, sinabi ni Cayetano na hihintayin pa niya ang sagot ng mga legal experts ng Senado at desisyon ni Senate President Manuel Villar Jr. na kasalukuyan pang nasa ibang bansa.
“No I haven’t yet. I’m actually the OIC now, so in relation to the Senate President, delegated lang ang authority ko. I think he’s still in Europe, so there’s a time difference. I just need to clear this matter with the Senate President first for his final go-signal,” sabi ni Cayetano.
Pero nilinaw ni Cayetano na sinusuportahan nila si Santiago sa kanyang layunin na malinawan ang sinasabing P6.9 M na ‘cash advance’ ng PNP patungong Moscow.
May legal procedure aniyang sinusunod bago makapagpalabas ng arrest warrant dahil dapat ring siguraduhin na hindi nalalabag ang karapatang pantao ng isang tao.
Kailangan aniyang majority na komite ay nakapirma bago maparusahan ng “contempt” ang isang taong inimbitahan pero hindi sumipot sa pagdinig.
Dahil dito, hindi pa sigurado kung kailan maipapalabas ang warrant of arrest ni dela Paz.
- Latest
- Trending