DOJ pumalag sa interview ng ABS-CBN kay Bravo
Irereklamo ni Justice Secretary Raul Gonzalez sa Kapisanan ng mga Broadkaster sa Pilipinas (KBP) ang ABS-CBN kaugnay sa eklusibong panayam nito sa Kumander ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na si Bravo.
Sinabi ni Gonzalez na nire-review na nila ang tape ng interview kay Bravo kung saan maaring lumabag sa Broadcast Code of the Philippines ang nasabing istasyon.
Pinuna ng Kalihim ang pamamaraan ng pagtatanong ng reporter ng ABS-CBN na si George Carino na umano’y mayroong mga “loaded questions” kung saan partikular na sumagot si Bravo na dadanak ang dugo sa sandaling hindi nila makamit ang kanilang nais.
Sa nasabing sagot umano ni Bravo ay mistulang naghahamon sa Pangulo ang mga nasabing rebelde.
Nagtataka naman si Gonzalez kung bakit madali lamang nahagilap ng ABS-CBN si Bravo upang mabigyan ng publicity gayung ang militar umano ay patuloy na pinaghahanap ang kumander ng MILF.
Iginiit pa nito na dapat ay ipagbigay alam sa militar ng ABS-CBN si Bravo at hindi dapat binigyan ng papuri at publicity.
Nararapat din umanong bigyan ng de-briefing ang mga mamamahayag matapos nilang makapanayam ang mga rebelde sa loob ng kanilang lugar dahil sa delikado umano ito dahil sa ginagamit lamang ang media sa propaganda ng mga rebelde.
Ang nasabing panayam umano ng ABS-CBN ay mayroong malaking epekto kay Bravo kaysa sa publiko dahil sa nagiging dahilan lamang ito upang lalong tumapang ang kanyang mga tagasunod. (Gemma Amargo-Garcia)
- Latest
- Trending