Makaraang isailalim sa pagsusuri ang mga gatas at meat products mula sa China, pinag-aaralan din ng Bureau of Food and Drugs (BFAD) ang pagsusuri sa mga Chinese herbal extract products.
Ayon kay BFAD director Leticia Gutierrez, nagsisimula na silang kumuha ng mga samples ng mga produktong herbal mula sa China upang malaman kung dapat na itong i-pull out sa merkado.
Sinabi ni Gutierrez na karamihan sa mga Chinese herbal extract products ay ibinebenta sa Metro Manila, kung saan sinasabing ang mga ito ay nakagagaling ng iba’t ibang uri ng sakit.
Iginiit ni Gutierrez na ang mga Chinese herbal medicine ay kailangan suportahan ng “clinical trials” upang masuportahan ang nakasaad sa kanilang produkto na nakagagaling ng anumang sakit ang mga nasabing gamot.
Nilinaw ni Gutierrez na wala naman silang anu mang kampanya laban sa mga Chinese products, subalit kailangan lamang nilang isagawa ang nararapat para na rin sa kaligtasan ng publiko at ng mga consumers. (Doris Franche/Rose Tesoro)