Villar at Lacson pagbabatiin ni Erap
Susubukan ni dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada na mamagitan upang magkabati na sina Senate President Manuel Villar at Sen. Panfilo Lacson para sa pagkakaisa ng oposisyon sa darating na 2010 presidential elections.
Sa isang panayam kay Estrada kahapon, kakausapin umano nito ang dalawang nagbabangayang senador at naniniwala umano siya na magkakaroon ng isang matibay na presidential candidate ang oposisyon na lalaban ng sabayan sa kandidato ng administrasyon sa nalalapit na eleksyon.
Subalit dagdag pa ng dating pangulo na hindi niya mamadaliing kausapin ang dalawa at kinakailangan munang parehong lumamig ang ulo ng mga ito bago siya magtakda kung kailan niya ito kakausapin.
“I have not given up. Perhaps we will know everything a year before the elections itself or after December siguro. Hayaan na muna natin na magkasingawan ng sama ng loob, pagkatapos kakausapin ko sila,” pahayag ni Erap.
Matatandaang nagsimula ang bangayan ng dalawang senador matapos na ibunyag ni Lacson ang umano’y double insertion sa budget ng C-5 extension project ni Villar.
Dahil sa isyu ay nahati ang oposisyon kung saan kumampi sina Sen. Allan Peter Cayetano at administration Sen. Joker Arroyo kay Villar habang pumanig naman si Sen. Jamby Madrigal kay Lacson.
Saad naman ni Erap na malaki ang kanyang paniniwala niya na maibabalik ng dalawang dating magkaibigan (Lacson at Villar) ang dating samahan matapos na makausap niya ang mga ito. (Edwin Balasa)
- Latest
- Trending