Puno igigisa ng Senado
Kung kaliwa’t kanang imbestigasyon ang kakaharapin ni retired General Eliseo dela Paz, dating comptroller ng PNP sa pagbabalik nito sa bansa, halos ganito rin ang magiging kapalaran ni Department of Interior and Local Government Secretary Ronaldo Puno na balak igisa ni Sen. Panfilo Lacson sa pagbabalik nito sa Se nado sa pagdinig ng budget ng DILG para sa 2009.
Nangangamba si Lacson, dating hepe ng Philippine National Police na pagmumulan ng demoralisasyon sa hanay ng kapulisan ang kinasangkutang iskandalo ni dela Paz na pagpapasok ng halos P7 milyon sa Russia na sinagip naman ni Puno at sinasabing contingency fund ng PNP ang dala ng retiradong heneral.
Ayon kay Lacson, hihingan niya ng paliwanag si Puno at dapat nitong tukuyin kung saan nagmula ang nasabing P6.9 milyon.
“Dapat ipaliwanag nila kasi ang pagka-alam ko talaga nagtanong na rin ako walang ganung item kaya mahihirapan sila mag-clear sa COA, dito assuming na nagalaw nila yung portion nung sinasabing contingency fund hindi nila kayang i-liquidate yun kasi there is no such thing,” sabi ni Lacson.
Ayon pa sa senador, dapat ding ipaliwanag kung bakit pinayagang magbiyahe si dela Paz palabas ng bansa gayong aabutan na ito ng retirement.
Ipinaliwanag ni Lacson na hindi na pinapayagan pang makapagbiyahe sa labas ng bansa ang sinumang opisyal na malapit nang mag-retiro o maaabutan ng retirement sa labas ng Pilipinas.
Kung wala na umano sa serbisyo ang isang opisyal, hindi na ito dapat isinasama sa delegasyon.
Pero agad ding nilinaw ni Lacson na wala namang masama kung isama ng isang heneral o opisyal ang kanyang maybahay o kabiyak subalit kailangan aniyang hindi kargo ng PNP o gobyerno ang gastusin nito. (Malou Escudero)
- Latest
- Trending