Naniniwala si Vice President Noli “Kabayan” de Castro na ang resolusyon na ipinalabas ng United Nations Security Council ay makatutulong upang mabawasan, kung hindi man tuluyang masugpo ang tumataas na insidente ng “kidnapping” sa mga tripulante na napapadaan sa Somalia.
Batay sa UN resolution, hinihikayat ang international community na magpadala ng mga naval ships at military aircraft sa Somalia upang dakpin ang mga pirata.
Iginiit din sa resolusyon na ang piracy sa Somali coast ay ikinukonsiderang isa ng malaking problemang pang-internasyonal dahil ito’y isang seryosong banta sa buhay ng bawat isang tripulante na napapadaan sa lugar.
Ayon kay Kabayang Noli, labis na ring apektado ang Pilipinas ng ginagawang pangha-hijack at pangingidnap ng mga pirata sa Somalia dahil maraming Pinoy seaman na ang nabibiktima ng mga ito. (Rudy Andal)