Humigit kumulang sa 2,000 pulis ang isinasaila lim sa paglilitis ng Philippine National Police (PNP) kaugnay ng pagkakasangkot sa iba’t-ibang mga kaso.
Sinabi ni PNP Program Management Office (PMO) Executive Director Edgardo Acuña, ang nasabing bilang ng mga pulis ay nahaharap sa mga kasong nasa kategorya ng grave offense, less grave at minor offense.
Inihayag ni Acuña sa kaso ng grave offense ay naitala sa 10% ang bilang ng mga masusing nililitis. Kabilang dito ay ang non-performance of duty partikular sa pagtestigo sa korte, AWOL (Absence Without Official Leave) at ilang mga krimen tulad ng pagpatay.
Binigyang diin ng opisyal na determinado ang PNP na walisin sa organisasyon ang mga nagsisilbing batik sa imahe ni Mamang Pulis.
Idinagdag pa nito na patuloy ang isinasagawang Transformation Program ng PNP upang gawing maka-Diyos, makatao, makabayan at makakalikasan ang bawat opisyal at miyembro ng PNP.
Samantala bilang isang alagad ng batas, ayon pa kay Acuña, ay hindi dapat na masangkot sa illegal na aktibidades ang hanay ng pambansang pulisya at dapat ay tumalima ang mga ito sa sinumpaang tungkulin bilang isang mapagkakatiwalaang alagad ng batas.
Kaugnay nito, tiniyak ng opisyal na walang magaganap na whitewash laban sa mga pulis na nahaharap sa iba’t-ibang asunto. (Joy Cantos)