Binutas ulit kahapon ng Titan Salvor at ng Harbor Star ang tumaob na barkong MV Princess of the Stars sa baybayin ng Romblon upang maiahon na ang lahat ng mga bangkay na nasa loob nito.
Ito ang inanunsyo ni MV Princess task force head Elena Bautista ng DOTC, makaraan ang ma tagumpay na pag-ahon ng mahigit na 400 drums ng endosulfan kamakailan at ibang mga kemikal sa naturang barko.
Aniya, isinagawa ang panibagong pagbutas upang maiahon ang lahat ng bangkay ng mga pasaherong nakulong at nalunod sa loob nito.
Magugunitang naantala ang pagkuha sa mga ito matapos mabatid na may mga dalang mapanganib at nakakalasong mga kemikal ang tumaob na passenger vessel.
Ayon pa kay Bautista, target nilang matapos ang pag-aahon sa mga labi sa darating na Oktubre 24, 2008.
Tiniyak din ng naturang opisyal na muling sisikat ang panibagong pag–asa sa mga mangingisda ng San Fernando, Sibuyan Island, Romblon bago pumasok ang buwan ng Nobyembre at sa darating na Pasko.
Ito na rin anya ang pamaskong handog ng pamahalaan sa mga taga Sibuyan partikular sa mga mangingisda dahil wala ng panganib at malinis na ang naturang karagatan na kinalubugaan ng nasabing barko. (Angie dela Cruz)