Investments ibunyag muna bago ang Philamlife
Nanawagan kahapon si Senador Francis “Chiz” Escudero sa Government Service Insurance System na ihayag muna ang mga pinasok nitong ibang mga negosyo o pamumuhunan bago bilhin ang Philamlife na ibinebenta ng mother company nito na American International Group o AIG.
Idiniin ng senador na kailangang gawin ito ng GSIS para maibsan ang pangamba ng mga miyembro nito lalo na ang mga guro hinggil sa problema sa pagkuha ng kanilang mga benepisyo.
Sinabi ni Escudero sa isang panayam sa Ninoy Aquino International Airport na kailangang ilantad ng GSIS ang mga puhunan nito sa ibang bansa tulad ng sa Lehman Brothers para matiyak ng mga miyembro at pensyonado ng ahensya na ligtas ang kanilang pera.
“Panay ang sabi ng GSIS na kumita ito ng P1.5 billion mula sa investments nito pero nasaan ang proof of the pudding?” sabi pa ng senador.
Binanggit ni Escudero na sa United States ipinoposte pa sa internet ang kalagayan ng pension fund at ang mga pinasok nitong negosyo. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending





















