Ipinagharap ng reklamo sa Office of the Ombudsman ang isang mataas na opisyal ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) dahil sa umano’y panggigipit, abuse of authority at hindi pagbabayad ng may P1.2 million.
Inireklamo ng People Resource Intitiative and Development (PRIDE) Cooperative ang isang Antonio B. del Rosario sa hindi umano nito pagbabayad ng outstanding account sa kanilang kumpanya mula pa noong 2006.
Ayon sa nasabing kumpanya, ginawa nila ang lahat ng kanilang makakaya na iniaatang sa kanila ng TESDA sa pamamagitan ng kanilang cooperative para magbigay ng serbisyo dito tulad ng encoders, assistant cashiers, driver at iba pa.
Ayon sa mga ito, tatlong regional directors na ng TESDA ang nagpalitan pero hanggang ngayon ay hindi pa rin sila binabayaran sa hindi maipaliwanag na dahilan.
Sinabi nila na inabonohan nila lahat ng sahod ng kanilang empleado na nagta-trabaho sa TESDA pero ng sinisingil nila si del Rosario ay nagbibingi-bingihan ito.
Bukod sa Ombudsman, nagpadala rin sila ng mga sulat sa tanggapan ni TESDA Director General Augusto Syjuco at Renato Magtubo, Chairman ng Partidong Manggagawa.
Si del Rosario ang director ng TESDA sa NCR at may dalawang buwan na lamang nalalabi para manilbihan sa nasabing opisina. (Butch Quejada)