Mayroong posibilidad na kumandidatong pre sidente sa pambansang halalan sa taong 2010 ang dalawa sa kinikilalang lider-relihiyoso sa katauhan ng tagapagtatag ng Jesus is Lord Movement na si Brother Eddie Villanueva at ng paring gobernador ng Pampanga na si Eduardo “Among Ed” Panlilio.
Ito ang nahiwatigan sa isang panayam kay Villa nueva bagaman sinasabi niyang tanging Diyos lamang ang makakapagtulak sa kanya na sumabak sa halalang pampanguluhan.
Sa isang pulong-balitaan sa Maynila, sinabi ni Villanueva na bukas siya sa posibilidad na pagkandidato niya.
Inamin niya na maraming kampo ang umuudyok sa kanya na tumakbo sa halalang pampanguluhan pero idiniin niya na walang maaaring makakumbinsi sa kanya kung hindi iuutos ng Panginoon.
“Hindi ko sinasabing oo o hindi. Sunud-sunuran lang ako sa Panginoon. Sana, hindi ako utusan ng Diyos,” sabi ni Villanueva sa pagdiriwang ng ika-30 taon ng JIL kahapon na ginawa sa Luneta grandstand.
Kumandidato ring presidente si Villanueva sa halalan noong taong 2004 sa ilalim ng partidong Bangon Pilipinas Movement pero kabilang siya sa mga tinalo ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Sa ngayon, ayon kay Villanueva, nagpapalakas ng makinarya ang JIL at BPM para sa pagtataguyod nila ng pambansang pagbabago.
Sinabi rin ni Villanueva na pinag-aaralan din nilang ilaban sa halalang pampanguluhan si Panlilio para makapaglunsad ng tunay na reporma sa bansa.
Si Panlilio na nakabakasyon sa kanyang tungkulin sa simbahan ay nahalal na gobernador sa Pampanga noong 2007. (Helen Flores)