Pondo para sa edukasyon, kalusugan kulang
Iginiit kahapon ng Senado ma mananatiling malayo ang agwat ng mga mag-aaral sa public school mula sa pribadong paaralan hangga’t hindi gumagawa ng paraan ang gobyerno na dagdagan ang inilalaang pondo para sa edukasyon at kalusugan.
Sinabi ni Sen. Richard Gordon, masyadong maliit ang pondo ng gobyerno para sa bawat mag-aaral sa public schools na umaabot lamang ng P6,354 na ang inaasahang magiging resulta ay mahinang performance ng mag-aaral at mahinang kalidad ng edukasyon.
Ayon kay Gordon, ang inilalaaang budget na P6,354 sa kada estudyante ng gobyerno ay napakaliit kumpara sa bansang Thailand na P47,700, Malaysia na P56,846, US na P123,200 at Japan na P293,440.
Ipinaliwanag pa ni Gordon, umaabot lamang sa 2.53 percent ng GDP at 12% ang inilaang national outlay sa edukasyon kaya kulang ang mga pasilidad lalo na sa mga pampublikong paaralan sa bansa.
Naniniwala ang mambabatas na malulutas lamang ang problemang ito sa sandaling maisabatas ang Senate bill 2402 o ang Health and Education Acceleration Program (HEAP) na nag-aatas sa mga telecommunication companies (Telcos) na maglaan ng kanilang kita sa text para madagdagan ang pondo ng gobyerno para sa edukasyon at kalusu gan.
Sa ilalim ng SB 2402, o ang “text-for-change” bill, inaatasan nito ang mga Telcos na magbigay ng bahagi ng kanilang kinita para sa alokasyon ng edukasyon at kalu sugan.
Ito ay bilang tulong ng mga TelCos sa gobyerno para madagdagan ang pantustos sa mga naturang kakulangan. (Rudy Andal)
- Latest
- Trending