Binalaan ni Philippine National Police (PNP) Chief Deputy Director General Jesus Verzosa ang mga pulis na mahuhuling natutulog sa mobile units at maging sa mga istasyon ng pulisya sa oras ng trabaho dahil mananagot ang mga ito.
“We have standing disciplinary measures and punishments and classifications of offenses,” ani Verzosa na determinadong isabuhay ang epektibong liderato sa PNP.
Inihayag ni Verzosa na ang mga pulis na lalabag sa nasabing patakaran sa pagpapairal ng disiplina sa PNP ay mahaharap sa kaukulang mga kaso.
Nagsagawa ng surprise inspections si Verzosa kasama ang mga matataas na opisyal ng PNP sa mga istasyon ng pulis sa Metro Manila.
Unang binisita ni Verzosa ang Manila Police District (MPD) Station 4 sa Sampaloc, Maynila at isinunod ang Quezon City Police District.
Sa mga susunod na araw ay isusunod ang iba pang himpilan ng pulisya sa National Capital Region kung saan tutungo rin ito sa mga tinaguriang ‘conflict areas’ sa Mindanao Region para personal na alamin ang pangangailangan ng kapulisan kaugnay ng hot pursuit operations laban sa tatlong Commanders ng Moro Islamic Liberation Front.