Matapos muling mag labas ang Bureau of Food and Drugs (BFAD) ng listahan ng mga susuriing milk at milk-based products minsan pang inalerto ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri ang mga sanitary at market inspectors upang siguruhin na walang magbebenta ng mga naturang produkto sa lungsod.
Ayon kay Echiverri, bagama’t nakatakda pa ring suriin ng BFAD ang 52 gatas sa listahan, kusa nang inalis ang mga ito ng mga negosyante at tindero sa mga pamilihan sa lungsod.
Muli namang pinaalalahanan ni Echiverri ang publiko na mag-ingat pa rin sa lahat ng mga produktong gatas na walang pananda o galing sa China at hindi lang ang gawa ng Mengniu (Mengniu Dairy Co) at Yili (Inner Mongolia Yili Industrial Group) na nakumpirmang may sangkap na kemikal na melamine ang mga gatas.
Nauna nang inalerto ni Echiverri ang Caloocan Health Department (CHD) sakaling may kaso ng sanggol na nagkasakit sa kidney sanhi ng kontaminadong gatas mula sa China. (Lordeth Bonilla)