Bagamat bumaba ang presyo ng harina sa halagang P13 kada sako, itinuloy pa rin ng Philippine Baking Industry Group ang pagtaas sa presyo ng tinapay matapos na mabigo ang mga flour millers na ibigay ang kahilingan ng grupo na maibalik sa dating P930 ang presyo ng kada bag ng harina.
Sa ginanap na pulong balitaan sa Tinapayan sa Maynila, sinabi ni Lucito Chavez, vice president ng Bakers Confederation of the Philippines, sinabi nito na hindi naman nila itataas pa ang presyo ng tinapay hanggang sa matapos ang taon dahil na rin sa pagbaba ng presyo ng bigas at langis.
Noon pang Biyernes nagdagdag ng P1 sa kada loaf bread ang grupo habang 0.50 sentimos naman kada balot ng pandesal.
Kaugnay nito, tiniyak din ni Chavez na ligtas at hindi kontaminado ng “melamine” ang sangkap na gatas na kanilang inihahalo sa paggawa ng tinapay. Galing umano sa New Zealand, Australia, Denmark, Holland at USA ang gatas kaya nakakatiyak ang publiko na walang melamine ang tinapay. (Doris Franche)