Harina damay na rin
Tila hindi matatapos ang nakaaalarmang melamine issue matapos na pati mga harina mula sa China ay isasailalim na rin umano ng Department of Health (DOH) sa government monitoring upang matiyak na wala itong sangkap na melamine.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, ang hakbang ay kasunod na rin nang kahilingan ng isang business group na nagpahayag ng pangamba na baka maging ang harina na mula sa nasabing bansa ay kontaminado rin ng melamine upang palitawin na ito ay mayaman sa protina.
Nangako naman si Duque sa mga ito na kaagad niyang aatasan ang Bureau of Food and Drugs (BFAD) na isama sa listahan ng itse-check na mga produkto ang harina.
Samantala, umaabot sa 54 produkto na kinabibilangan ng mga liquid at powder milk, candy, biscuits, chocolate bar, inumin at yogurt na may dairy components mula sa China ang kasalukuyang ipinagbabawal ng BFAD kaugnay ng kanilang isinasagawang imbestigasyon bunsod na rin ng melamine scare.
Ayon kay Virginia Francia Laboy, BFAD Policy, Planning and Advocacy Division Officer in Charge, ang mga naturang produkto ay pansamantalang ban habang isinasagawa nila ang pagsusuri sa mga ito at wala pa umanong kum pirmasyon na nagtataglay ang mga ito ng melamine.
Kinailangan lamang nilang kumuha ng mga samples ng mga nasabing produkto matapos na makatanggap ng report na ang mga ito ay gumagamit ng mga raw materials galing sa China. Aminado si Laboy na bagama’t madaling matukoy ang gatas na galing sa China, mahirap namang malaman kung aling mga gatas naman na galing ibang bansa ang may halong gatas mula sa China kung kaya’t kailangan nilang isa-isahin ang pagsusuri sa mga ito.
- Latest
- Trending