Nagbanta ang militanteng transport group na Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) ng isang pamban sang kilos protesta bukas, Setyembre 22.
Ayon kay Piston Secretary General George San Mateo, kasama ng transport group ang mga manggagawa sa nabanggit na araw para kalampagin ang pamahalaan at ang tatlong dambuhalang kumpanya ng langis para igiit ang pagbababa ng hanggang P37 halaga ng krudo bawat litro at agad na pagtatanggal sa 12 percent VAT sa langis.
Sa patuloy na pagbaba ng halaga ng krudo sa world market, umaabot pa rin anila sa P49 ang halaga nito kada litro sa kabila ng pakonti-konting oil price rollback ng mga oil companies.
Sinabi ni San Mateo na sama-samang magpoprotesta at magmamartsa ang mga tsuper, manggagawa at mamamayan papuntang Mendiola upang igiit sa Malakanyang ang kanilang kahilingan.
Ang 12 percent EVAT anya ang ugat ng mga pagtaas sa halaga ng krudo at gasoline sa kasalukuyan.
Sa pagkilos na ito, nilinaw ni San Mateo na walang gagawing tigil pasada sa nabanggit na araw.
“Walang tigil-pasada sa Lunes. Ang aming gagawain dito sa Metro Manila ay mapayapang pagmamartsa ng humigit-kumulang mula 500 hanggang 1,000 libong tsuper na sasamahan ng mga manggagawa at iba pang sector at kami ay tutungo sa Mendiola upang doon magsagawa ng programa,” paglilinaw pa ni San Mateo.