Libel ni Erwin Tulfo iaapela sa SC

Magsasampa ng motion for reconsideration ang kampo ng batikang broadcaster at columnist na si Erwin Tulfo sa Korte Su­prema ngayong linggo ma­tapos katigan ng Ka­taas-taasang Hukuman ang desisyon ng lower court hinggil sa “guilty verdict” sa kasong libelo na isinampa ng isang mataas na opisyal ng Bureau of Customs (BoC) noong 1999.

Iaapela ng mga abo­gado ni Tulfo ang kaso para ibasura ng korte ang naunang desisyon nito sa puntong walang nilabag ang naturang mamama­hayag sa karapatan ninu­man.

“The column or article written then did not intentionally malign or besmirch the subject because Mr. Tulfo do not know the subject person, and he was relying merely on the information given by his source close to subject, thus there was no malice on the article­,” ayon sa statement ng kampo ni Tulfo.

Wala rin umanong ginawang paglabag sa press freedom si Tulfo dahil ang isinulat nitong kolum ay base lamang sa ibinigay na impormasyon sa kanya ng kanyang “source”.

Nagsampa ng kaso si So dahil nasira umano ang kanyang reputasyon at nagdulot ng kahihiyan ng kanyang pamilya dahil wala naman daw katoto­hanan ang nasabing anomalya.

Ayon kay National Union of Journalist of the Philippines (NUJP) President Joe Torres, ang de­sisyon ng SC ay isa na namang “dagok” sa mala­yang pamamahayag.

Sa panig naman ni Erwin, nangako itong lalo pang pag-iibayuhin ang pagsisiwalat ng katiwalian simula sa Pangulo hang­gang sa pinakamababang posisyon sa gobyerno at sa pribadong sector.

“This is my style... firebrand kind of journalist and nobody can change that”, dagdag pang pahayag ni Erwin. (Gemma Amargo-Garcia)

Show comments