Pagdami ng OFWs sampal sa gobyerno

Itinuturing ni Linga­yen-Dagupan Archbishop Oscar Cruz na isang sampal umano sa pama­halaan ang pagkakaroon ng “exodus” o pagdami ng mga overseas Filipino workers upang magka­roon ng magandang kina­bukasan.

Ayon kay Bishop Cruz, patunay lamang na mara­ming Pinoy ang desperado na at naniniwala na walang magiging ma­gandang ki­nabukasan ang kanilang pamilya sa Pilipinas.

Hindi rin naman aniya lingid sa mga ito ang panganib at posib­leng pang-aabuso na susu­ungin ng mga OFW sa ibayong dagat ngunit mas pinipili ng mga ito na makipagsapalaran upang magkaroon lamang ng magandang kinabukasan ang kanilang pamilya.

Paliwanag ng arso­bispo, tiyak na may “mali” sa isang bansa kung saan milyong mamamayan ang lumilisan upang mag­tungo sa ibayong dagat.

Tila naging baligtad na rin umano ang sitwasyon dahil sa halip na ang pa­mahalaan ang magbigay para sa kapakanan ng mga mamamayan nito, ang mga OFW na ang siyang nagpopondo sa pamahalaan upang ma­panatiling maunlad ang ekonomiya ng bansa sa pamamagitan ng dollar remittances.

Naniniwala rin naman ang arsobispo na matitigil lamang ang “exodus” sa bansa kung magkaka­roon na ng sari­ling mga ta­hanan ang Pinoy sa sarili nilang bansa, kung mabi­ bigyan na sila ng pamaha­laan ng trabaho at ikabu­buhay, kung ma­pagka­katiwalaan na ng mga ito ang kani­lang pa­ma­halaan at ma­ipagma­malaki na nila ang kani­lang bansa. (Doris Franche)

Show comments