Sa ikatlong pagkakataon, bumagsak ang isang bahagi ng kisame ng bagong Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 habang kasagsagan ng malakas na ihip ng hangin at ulan bunga ng paghagupit ng bagyong “Marce” kahapon ng madaling-araw.
Dakong ala-1:30 ng madaling-araw nang bumigay at tuluyang bu magsak sa sahig ng arrival area malapit sa carousel #7 ang kisame ng mezzanine na nababalutan ng tiles ng fiber cement o gypsum board at ilang metal parts.
Sinabi ng Manila International Airport Authority (MIAA), nakita ng nakatalagang security guard ang pagbagsak ng kisame (may sukat na 7 meter by 1 meter) na agad nitong ipinagbigay-alam sa kanyang superior. Wala namang naiulat na nasaktan sa nasabing insidente.
Ayon kay MIAA General Manager Al Cusi, ang pagkakabagsak ng bubungan ay bunga ng pagkakatanggal ng hook na kinakabitan ng gypsum board dahil sa ilang mga paggalaw ng istraktura.
Agad namang inayos ang nasirang kisame ng Takenaka, ang kontraktor na gumawa ng NAIA 3, at tinayuan at tinakpan ng plywood ang lugar upang hindi makasagabal sa mga nagdaratingang pasahero.
Tinatayang aabutin ng 2 araw bago ito makumpuni. (Ellen Fernando)