Siniguro kahapon ng Department of Energy (DOE) na magkakaroon ng panibagong rollback sa presyo ng petrolyo ma tapos ang patuloy na pagbaba ng presyo ng krudo sa pandaigdigang pamilihan.
Ayon kay DOE Director Zenaida Monzada, ito ay matapos na pumalo na lang sa halagang $98 kada bariles ang presyo ng Dubai crude kung saan ito ang ginagawang batayan sa presyo ng petrolyo sa boung Asya kabilang na ang Pilipinas.
Subalit dagdag ni Monzada, posibleng pangkaraniwang rollback lang umano ang asahan ng publiko kahit na malaki ang ibinaba ng presyo nito sa world market.
Paliwanag nito na base sa talaan ng DOE, umaabot pa rin sa $103 kada bariles ang average price ng Dubai crude ngayong linggong ito at ang panibagong pagbaba ng presyo sa world market ay mararamdaman pa sa susunod na buwan.
Sa panig naman ni Oil Price Watch Chairman Raul Concepcion, siniguro nito na magpapatuloy ang pagbagsak ng presyo ng krudo sa world market hanggang sa mga susunod na buwan kaya inaasahan na magiging masaya ang Pasko ng mga drayber.
Sa ngayon ay pumapalo pa rin ang presyo ng diesel sa P54 hanggang P55 kada litro habang ang diesel naman ay nasa P53 pa rin kada litro dahilan upang humingi ng mas malaking rollback ang mga grupo ng transportasyon. (Edwin Balasa)