Binigyan kahapon ni Presidential Anti-Smuggling Group chief Undersecretary Antonio Villar Jr. ng 72-oras si Labrador, Pangasinan Mayor Ernest Acain upang magharap ng mga import documents para patunayang nagbayad ng customs duties and taxes ang mga nasamsam na imported cars, motorsiklo, big bikes at scooters sa loob ng kanyang warehouse.
Sinabi ni Usec. Villar, ang 3 araw na ibinigay na taning ng PASG para kay Mayor Acain ay sapat na para makapagharap siya ng kaukulang dokumento sa mga imported cars na Mitsubishi Eclipse model 1998, Isuzu Bighorn Wagon model 1994, Mercedez Benz model 2007, mga assorted big bikes, dirt motorcycles, scooters at 15 mountain bikes na nakumpiska sa loob ng kanyang bodega.
Winika naman ni Mayor Acain, nakahanda niyang iharap ang mga kaukulang papeles sa nasabing mga sasakyan kasabay ang paggiit na hindi mga smuggled ito bagkus ay mga legal na importasyon at nabayaran ang mga duties at taxes.
Sinalakay ng PASG-NBI ang GIA trading na pag-aari ng kapatid ni Mayor Acain na pinaniniwalaang pinagtataguan ng mga smuggled vehicles.
Inamin ni Mayor Acain sa PASG-NBI team na pag-aari niya ang nasabing bodega at nabili lamang nila ang mga sasakyang ito sa ibang tao subalit nabigo silang magpakita ng mga import documents at pagbabayad ng customs duties and taxes kaya kinumpiska ang mga sasakyan at dinala sa NBI-Dagupan City office. (Rudy Andal)