Hinikayat ni Sen. Richard Gordon, may-akda ng Election Automation Law, ang Commission on Elections (Comelec) na magsagawa ng nationwide general registration ng mga botante sa susunod na taon bilang paghahanda para sa automated election sa 2010.
Sinabi ni Gordon na maaaring amyendahan ang Voters Registration Act of 1996 upang maisagawa ng Comelec ang general registration at magamit ng poll body ang biometrics technology upang magamit para sa mga kinakailangang impormasyon sa lahat ng botante.
Ang pinakahuling general registration ng botante ay isinagawa noon pang 1997 bilang pagsunod sa itinatadhana ng Voters Registration Act of 1996.
Sa mga nagdaang eleksyon naranasan ang mga kaso ng multiple registrants at flying voters na sumukat sa integridad at kredibilidad ng resulta ng eleksyon. Ilan rin sa mga botante ay hindi nakaboto sa ilang lugar dahil sa pagkalito sa araw ng eleksyon. (Butch Quejada)