Nagsagawa na ng isang “search and rescue” operations ang Philippine Air Force (PAF) team sa karagatan ng Davao kung saan sinasabing bumagsak ang isang C-130 cargo plane na may lulang dalawang piloto at pitong crew nitong Lunes ilang minuto matapos magtake-off sa Davao airport.
Wala pang survivor ang nakukuha ng mga frogmen habang nakuha lamang ng mga rescuer ang upuan ng eroplano at maraming parte ng ka tawan ng tao ang narekober.
Lubha namang nahihirapan ang mga divers dahil ang bumagsak na eroplano ay nasa 600-800 talampakang lalim ng dagat o may 2.5 milyang layo sa southwest ng Samal island.
Ang kayang sisirin lamang ng mga rescuers ay 200-300 talampakang lalim na lubhang malayo pa sa ilalim na binagsakan ng nasabing eroplano.
Dahil dito, nangangailangan pa ng mga submarine para ma-inspect o mahatak ang naturang eroplano.
Dahil sa pagbagsak ng C-130 Hercules, pansamantalang sinuspinde ng PAF ang pagpapalipad ng kanilang natitirang C-130.
Inamin ni PAF chief Lt. Gen. Pedrito Cadungog na malaki ang epekto ng pagbagsak ng C-130 sa operation ng PAF dahil ito ang ginagamit ng PAF sa pagdadala ng military troops sa mga lugar na may bakbakan, pang-deliver ng cargo at iba pang relief goods sa mga lugar na sinalanta ng kalamidad.
Ayon naman kay PAF Spokesman Maj. Gerry Zamudio, malaking kawalan ang pagkawala ng C-130 sa mga misyong isinasagawa ng Air Force dahil tatlong C-130 na lamang ang natitirang eroplano at isa na lamang ang gumagana. (Ellen Fernando, Butch Quejada/Joy Cantos)