Armed civilian sa Mindanao palalakasin
Palalakasin ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang recruitment ng mga Civilian Volunteer Organizations (CVO) sa Mindanao na aarmasan ng pamahalaan upang legal na makatulong sa paglaban sa teroristang Moro Islamic Liberations Front (MILF).
Nasa Mindanao ngayong Lunes si DILG Secretary Ronaldo Puno kung saan makikipag-usap ito sa mga lokal na opisyales, mga lider ng Simbahang Katoliko at mga ulamas upang bumuo ng solusyon para maibalik ang normal na buhay ng mga residente.
Pangunahing tutukan ni Puno ang legal na deputisasyon sa mga piling sibilyan upang makasapi sa CVO na tutulong sa Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa paglaban sa mga rebelde.
Isasailalim ang mga kandidato sa masusing “background checks”, pagsasanay at pag-aarmas. Matatandaan na nagpalabas ang PNP ng 1,000 shotguns na ipapagamit sa mga bagong CVO.
Kasama rin sa pag-uusapan ang mga responsibilidad at tasking ng mga volunteers na kikilos lamang sa nasasakupan nilang lugar.
Nanawagan naman si Puno sa mga residente ng Mindanao na hayaan na lamang ang PNP, AFP katuwang ang mga CVO sa paglaban sa mga rebelde dahil sa maaaring magkaroon sila ng problema sa batas kung mag-aarmas at lalaban ng walang basbas ng pamahalaan.
- Latest
- Trending