Wala ring magiging silbi ang Memorandum of Agreement on Ancestral Domain (MOA-AD) kahit na matuloy itong lagdaan ng gobyerno at Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Ito ang inamin kahapon ni Sec.Rodolfo Garcia, ang chairman ng GRP Peace panel sa pagpapatuloy ng oral argument sa Korte Suprema.
Ayon kay Garcia, wala siyang full authority mula kay Pangulong Arroyo nang magtungo sa Kuala Lumpur, Malaysia para sa paglagda sa nabanggit na kasunduan.
Sa pagtatanong ni Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio sinabi ni Garcia na ang dalawang memorandum of authority na inisyu noong 2001 at 2003 ang kanyang tanging bitbit, kung saan nakasaad na binigyang kapangyarihan siyang makipagnegotiate ng MILF.
Sinabi pa ni Garcia na base sa dalawang nabanggit na dokumento, iniisip na niyang may authority siyang lumagda sa kasunduan bilang kinatawan ng pamahalaan.
Iginiit naman ni Associate Justice Arturo Brion na kahit nalagdaan ang MOA-AD kung wala namang authority na lumagda mula sa Pangulo ay wala rin itong saysay.
Itutuloy ang oral argument sa Agosto 29 matapos makapagsumite ang OSG ng initial ng MOA sa Martes. (Gemma Garcia)