Sinampahan na ng patung-patong na kasong kriminal ang mga kilabot na sina Kumander Bravo, Kumander Umbra Kato at 80 pang rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) matapos ang ginawang pagsalakay at pagpaslang sa mga sibilyan sa ilang bayan sa Mindanao.
Kabilang sa mga kasong isinampa ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang “double murder, robbery-in-band at arson” laban kina Abdulrahman Macapaar, alyas Kumander Bravo; Umbra Kato at kanilang mga tauhan.
Iginiit rin ni DILG Secretary Ronaldo Puno sa pamunuan ng MILF na isuko ang naturang mga rebelde sa pamahalaan upang mapanagot sa kanilang mga krimen. Sinabi ni Puno na mapapatunayan ng MILF ang kanilang sinseridad sa pagtutulak ng usapang-pangkapayapaan kung magagawa nilang isuko ang mga ito.
Sinabi pa ni Puno na ang pagkanlong sa naturang mga bandido ay maitutuging na pag-apruba nila sa brutal na aksyon ng kanilang mga tauhan. Kung hindi umano matutulungan ang pamahalaan ng MILF Central Committee, wala silang karapatan na magsalita para sa kanilang organisasyon dahil sa hindi nila kayang kontrolin ang mga tauhan.
“Kapag hindi sila tumulong, nangangamba ako sa mga mangyayari sa susunod na mga araw,” ani Puno.
Kabilang sa mga sinampahan ng kaso ay ang 31 rebelde na sumuko sa pamahalaan. Gagawin namang “state witness” ang mga ito kung saan posibleng bumaba ang kanilang kaso.
Nakatakda namang magtungo sa Mindanao si Puno upang makipagpulong sa mga lider ng mga lokal na pamahalaan, grupong Ulamas at mga Obispo ng Simbahang Katoliko upang maibalik ang pagiging normal ng buhay ng mga inatakeng sibilyan ng MILF. (Danilo Garcia/Joy Cantos)