Kinumpiska ng Presidential Anti-Smuggling Group (PASG) ang may P10 milyong halaga ng mga smuggled na electrical at electronic products mula sa warehouse ng 3 Chinese nationals sa Quiapo, Maynila.
Ayon kay PASG chief Undersecretary Antonio Villar Jr., ang mga Chinese nationals ay sina Juan Tan ng Mantext Marketing; Xu Zifu ng Maxing TJPRO at Power Axis Marketing at Philip Co ng Sky High Marketing Corp. na nangungupahan lahat sa Santiago Fisheries Enter prise bldg. sa 462 C. Palanca St., Quiapo.
Hindi napasok ng PASG ang inuupahang bodega ni Jacky Chua dahil naka-lock ito.
Sinabi ng PASG, nakatanggap sila ng intelligence report na ang nasabing mga bodega ay ginagamit na taguan ng mga mga smuggled goods mula sa China hanggang sa salakayin ito ng PASG katuwang ang Manila Police District.
Pinayagan naman ng may-ari ng building ang PASG na magsagawa ng search ang mga awtoridad sa nasabing mga bodega dahil na rin sa kautusan ni Usec. Villar dahil sa posibleng paglabag sa Tariff and Customs Code.
Natuklasan sa mga bodega ng mga Intsik ang may P10 milyong halaga ng smuggled DVD players, iba ibang brand ng speakers, amplifiers at iba pang electronic products na galing sa China.
May hinala si Villar na ito ay ibinebenta sa mga sidewalk at ilang malls sa Metro Manila. (Rudy Andal)