Nagsimula nang magsibalik sa kanilang mga tahanan ang evacuees matapos ang ‘total pullout ‘ ng mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa 15 barangay na sinakop ng mga ito sa ilang bayan ng North Cotabato.
Ayon kay Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr., na kasaluku yang nasa Cotabato City, umaabot na sa 80,000 evacuees mula sa kabuuang 159, 123 katao ang nagsibalik mula sa mga bayan ng Libungan, Pigkawayan at Midsayap.
Samantala ang iba pa mula naman sa bayan ng Aleosan at Pikit ay maaring magbalik sa kanilang tahanan sa susunod pang mga araw matapos na maalis na ng militar at pulisya ang mga booby traps, landmines, bomba at iba pang uri ng eksplosibo na itinanim ng MILF renegades.
Sinabi ni Teodoro na personal niyang ininspeksyon ang mga evacuation centers sa Midsayap, Aleosan at Pikit na ilang araw naapektuhan nang bakbakan sa pagitan ng grupo ni 105th Base Commander Ameril Umbra Kato at ng tropa ng mga sundalo.
Tiniyak rin ni Teodoro na mananatili ang security forces sa 15 barangay na nabawi sa MILF rebels upang matiyak na hindi ang mga ito makapagsasagawa ng “repositioning.”
Kaugnay nito, inihayag naman ni PNP spokesman Chief Supt. Nicanor Bartolome na kabilang sa mga kasong posibleng kaharapin ng grupo ni Kato ay robbery, multiple arson, multiple murder, destruction of property at iba pa na depende sa makakalap na ebidensya ng mga imbestigador ng pulisya. (Joy Cantos)