Upang matugunan ang rice crisis, itataas ng Department of Agriculture (DA) ang ‘procurement volume’ o pagbili ng palay sa mga magsasaka nang hanggang 500 metriko tonelada ngayong taon upang makasapat ang buffer stocks alinsunod sa direktiba ni Pangulong Arroyo.
Ayon sa mga opisyal ng DA, sisikapin nilang matupad ang pangako ng Pangulo sa State of the Nation Address (SONA ) nito noong nakalipas na Hulyo 28 na nagsasaad nang: “To meet the challenge of today, we will feed our people now, not later and help them get through these hard times.”
Inilaan rin ng Pangulo ang bahagi ng “Katas ng VAT (Value Added Tax ) sa subsidy program upang tiyakin na may sapat na supply ng abot kayang halaga ng bigas para sa mga consumer na maliliit lamang ang kinikita habang pinalakas pa ng DA ang produksyon ng palay para bumalik na sa normal ang presyo ng ibinebentang ‘retail ‘ o tinging mga bigas at iba pang pangunahing uri ng pagkain.
Nabatid kay Agriculture Secretary Arthur Yap na aabot sa P20 bilyon ang rice subsidy ng pamahalaan upang tiyakin na may sapat na bigas na maipagbibili ang National Food Authority (NFA) sa halagang P 18. 25 kada kilo para sa masang Pilipino.
Inatasan rin ng Pangulo ang NFA na tiyakin na hindi mauubusan ng stock ng mga ‘well milled’ na bigas sa mga pamilihang bayan para sa mga middle–income na mga Pilipino sa halagang mula P 25.00 hanggang P 35.00 bawat kilo matapos na lumobo ang presyo nito mula P40-P50 nitong nagdaang summer.
Inihayag naman ni NFA Administrator Jessup Navarro na ang target na bilhing ‘wet crop ‘ ngayong taon ay nasa 1,460 % mas mataas kaysa 32,044 metrikong toneladang palay na nabili ng ahensya sa mga magsasaka sa parehong period nitong nagdaang taon.
Sinabi ng opisyal na nagpapatupad sila ng ‘incentive program’ upang hikayatin ang mga magsasaka na ipagbili ang kanilang mga ani sa NFA tuwing anihan sa halagang P17 kada kilo. (Butch Quejada)