Iniutos kahapon ni Pangulong Arroyo sa Department of Energy (DOE) na magsagawa ito ng audit sa mga libro ng oil companies matapos na bumaba ang presyo ng krudo sa pandaigdigang pamilihan subalit nananatiling mataas pa rin ang presyo nito sa bansa.
Sinabi ni Presidential Management Staff chief Cerge Remonde, nais ni Pangulong Arroyo na masiguro na hindi nagsasamantala ang mga oil firms ngayong patuloy ang pagbagsak ng presyo ng krudo sa world market.
Ayon kay Remonde, kailangang matiyak kung makatwiran ang mga nakaraang pagtaas.
Aminado naman ang mga oil companies na mababa nga ang presyo sa world market pero malabo anila ang rollback dahil mayroon pa silang mga binabawing “under recoveries” kaya hindi nila maibaba ang presyo ng kanilang mga produkto. Ang Flying V halimbawa, ay may P5 pa umanong dapat bawiin sa diesel. (Rudy Andal)