Pormal nang ipatutupad sa Valenzuela City ang “Disiplina Ordinance” na inihain ni Liga ng mga Barangay President, Councilor Alvin Feliciano sa Sangguniang Panglungsod matapos itong aprubahan at lagdaan ni Mayor Sherwin “Win” Gatchalian.
Sa pamamagitan ng ordinansang ito, pananagutin sa batas ang sinumang mahuhuling kalalakihan na nasa labas ng kanilang bahay na walang pang-itaas na damit, maging ang mga umiihi sa kalsada ay huhulihin din.
Ipinagbabawal din sa ordinansang ito ang pagtatapon ng basura sa labas ng kanilang mga bahay at ang sinumang mahuhuli ay may nakalaang parusa upang lalo pang maging malinis ang buong lungsod.
Kabilang sa mga magpapatupad ng “Disiplina Ordinance” ay ang mga opisyal ng baranggay, Public Order and Safety Management Office (POSMO) ng Valenzuela City Hall, mga tauhan ng lokal na pulisya at iba pang ahensiya na may kinalaman dito.
Umaasa rin ang konsehal na susuportahan ng mga residente ng buong lungsod ang ordinansang ito dahil sa pamamagitan nito ay mapapanatiling malinis, maayos at may disiplina ang bawat mamamayan ng Lungsod ng Valenzuela.
Inaasahan din ni Feliciano na ipatutupad ng maayos ng mga kinauukulan ang nasabing ordinansa at tiniyak din nito na walang sinuman ang makakapagsamantala sa pag-iimplementa ng “Disiplina Ordinance”. (Lordeth Bonilla)