Wala umanong magagawa ang mga bakery sa bansa kundi itaas na muli ang presyo ng pandesal, loaf bread at iba pang tinapay sa susunod na linggo.
Sinabi ni Simplicio Umali, pangulo ng Philippine Baking Industry Group o Philbaking, na ipatutupad nila ang pagtaas sa presyo ng tinapay kung magmamatigas ang mga flour miller na ipatupad ang P30 hanggang P40 sa kada 25-kilo bag ng harina na katumbas ng 4 hanggang 6 porsyento.
Aniya, kung ganito kalaki ang itataas ay mapipilitan sila na itaas mula piso hanggang P1.50 ang loaf bread.
Apektado rin umano dito ang presyo ng pandesal na nakatakdang taasan ng .25 sentimos o dili kaya’y liitan na lamang ang sukat nito.
“Nagtataka kami kung bakit pataas ang presyo ng harina, gayung pababa na ang presyo ng trigo sa Amerika at iba pang bansa,” ani Umali.
Maging ang Tinapay ng Bayan na programa ni Pangulong Arroyo ay apektado rin sa pagtataas ng presyo.
Kasabay nito, nanawagan sila sa Department of Trade and Industry (DTI) na bumuo ng isang investigating body para imbestigahan ang hindi umano makatwirang paglobo sa presyo ng harina.
Idinadahilan umano ng flour millers na tumaas ang freight cost at mataas na rin ang bili nila sa harina.
“Tumaas din kasi ang presyo ng ibang raw materials like shortening, premium margarine, rental cost, pati na LPG.” ayon naman sa bise presidente ng Federation of Bakers Associations Inc. na si Lucito Chavez.
Gayunman, nangako ang Philbaking na magro-rollback na lamang sila sa susunod na buwan kung ibaba ng flour millers ang presyo ng ipinapasang harina.