Handang-handa na ang isasagawang patimpalak para 2008 Filipinas Students In Free Enterprise (SIFE) National Exposition para sa mga colleges at universities na gaganapin ngayong Sabado sa Dusit Thani Hotel sa Makati City sa pakikipagtulungan na rin ng mga business sector ng bansa.
Ayon kay Filipinas SIFE chairman Jose P. Leviste Jr., ang kompetisyon ay naka-sentro sa pagpili ng pinaka-mahusay na school-based social entrepreneurship.
Ang Filipinas SIFE ay isang international organization na nangunguna sa pagsulong ng pangangalakal o negosyo sa iba’t ibang komunidad ng bansa. Sinabi ni Leviste na layunin ng Filipinas SIFE na tukuyin ang karapat-dapat na eskwelahan na magiging kinatawan ng bansa sa prestihiyosong SIFE World Cup na gaganapin sa Singapore sa October 1-3, 2008.
Mahigit sa 1,400 eskwelahan mula sa 47 bansa ang lalahok sa SIFE World Cup habang 20 eskwelahan naman mula sa iba’t ibang panig ng Pilipinas ang magpapaligsahan sa SIFE championship sa Sabado kung saan ang mananalo rito ang magiging kinatawan ng Pilipinas sa SIFE World Cup.
Guest speaker si DENR Secretary Lito Atienza habang si Surigao Gov. Ace Barbers ang isa sa mga hurado.