Pangungunahan ni Vice Pres. Noli de Castro ang pormal na pagbubukas ngayong araw ng 2nd Philippine Real Estate Festival kung saan tampok dito ang pagkakaloob ng pabahay sa mga driver ng mga pampasaherong sasakyan sa bansa.
Sa pakikipagtulungan ng tanggapan ni de Castro bilang Chairman ng HUDCC at ni Rose Basa, National President ng Phil. Real Estate Group ay mapapagkalooban na ng pabahay ang may 50 public utility drivers para may matawag na maayos at disenteng sariling tahanan.
Sa naturang okasyon, tampok din ang pagsasapubliko ng mga Pinoy inventions para makamura ang mga car owners sa kanilang gastusin sa paggamit ng krudo, gasolina at diesel para sa kanilang sasakyan.
Pangungunahan ni LTO Chief Alberto Suansing ang awarding ng pabahay sa pakikipagtulungan ni Cong. Rodolfo Valencia, House chairman ng committee on housing.
Sa kanyang panig, sinabi ni Orlando Marquez,VP ng Filipino Inventors Society na malaking pakinabang ang programa dahil kahit maliit lamang ang kita ng mga driver sa pamamasada ay magkakaroon na sila ng masasabing kanilang sariling tahanan. (Angie dela Cruz)