Hiniling kahapon ni Caloocan City Mayor Recom Echiverri sa pamunuan ng National Food Authority (NFA) na dagdagan ang suplay ng bigas sa lungsod dahil kulang na kulang ito para sa napakalaking populasyon ng siyudad.
Kaugnay nito, ibinalita rin ng alkalde na nagbebenta rin ang pamahalaang lungsod ng Caloocan ng murang NFA rice sa buong lungsod sa pamamagitan ng pagsubsidiya rito.
“Binibili namin ito sa NFA ng P18.25 pero ibinebenta namin ito sa tao sa halagang P16.00 lamang,” anang alkalde.
Sinabi pa ni Echiverri na ang subsidiya sa bigas ay isa sa nakita niyang paraan para maibsan ang paghihirap ng mga taga-Caloocan.
Ayon kay Echiverri, grabe ang pila ng bigas sa kanyang nasasakupang barangay kaya’t dapat na itong pagtuunan ng pansin ng pamahalaang nasyonal. (Lordeth Bonilla)