Napocor igigisa sa power rate hike

Iginiit kahapon ni Sen. Joker Arroyo na itutuloy ng Senado  sa susunod na linggo ang pagbusisi sa anomalya ng sobrang pagpapatong ng presyo ng National Power Corporation sa binibiling karbon na dahilan ng pagtaas sa halaga ng kuryente. Nagpahayag ng pagkairita ang senador dahil sa maraming petisyon ng NAPOCOR na humihingi ng pagtataas sa halaga ng kuryente.

Sa kabila ng pangangatwiran ng NAPOCOR na walang anomalya sa pagbili nito ng karbon, nagpahayag ng hinala ang senador na nanloloko ang mga opisyal ng ahensya sa kanilang pahayag.

“Naglolokohan ba tayo? Ano ba ang ginagawa ng Napocor? Sobrang tamad ng mga opisyal nito na hindi man lang maipaliwanag sa publiko ang kahulugan ng mga petisyon nito,” bulalas ni Sen. Arroyo sa panayam ng media.

Noon pang Hunyo ay nabatid na may naka­haing petisyon sa Energy Regulation Commission ang Napocor na makasingil ng dagdag na P0.37/kwh sa generation charge nito, bukod pa sa mga adjustment para sa palitan ng piso at dolyar sa ilalim ng generation rate  adjustment mechanism at incremental currency exchange rate adjustment. (Malou Escudero)

Show comments