Inireklamo ng mga opisyal at miyembro ng National Police Commission Employees Association (NAPEMA) ang umano’y “palpak” nilang office uniform.
Sa sulat ni Mr. Lil Gillamac, chairperson committee on public information ng NAPEMA, hinihingi nila ang paliwanag ni Director II Conrado Sumanga Jr., hepe ng Installation and Logistic Service (ILS) ng Napolcom dahil tatlong pares lamang ang kanilang natanggap, gayung ang inaprubahan umano ng komite ay apat na pirasong pantalon at apat na barong na ang isang pares nito ay nagkakahalaga ng P4,000.
Bukod dito, inirereklamo din ang umano’y mala-tissue paper na tela ng kanilang uniporme.
Kinuwestiyon din kung bakit sa isang gasolinahan sa Parañaque City kumukuha ng krudo ang Napolcom gayung ang tanggapan nito ay nasa Makati City.
Katwiran umano ni Sumanga ay nagpapautang at may diskuwento ang naturang gasolinahan sa Napolcom.
Sinabi naman ni Director II Aileen Arcen, ng Financial Services ng Napolcom, mahigit sa P.2 million kada buwan ang binabayaran ng ahensiya sa naturang gasoline station para sa naturang alokasyon.
Bunsod nito kaya nanawagan ang mga kawani ng Napolcom kay DILG Sec. Ronaldo Puno na imbestigahan at aksiyunan ang kanilang hinaing. (Lordeth Bonilla)