Iginiit kahapon ng Malacañang na tinutulungan lamang ng mga nagbabayad ng ransom kapalit ng paglaya ng kidnap-victim ang Abu Sayyaf Group (ASG) upang palakasin ang kanilang fire-power.
Sinabi ni Press Secretary Jesus Dureza, nag-aalala ang mga local officials sa Sulu na lalong lumakas ang puwersa ng ASG sa kanilang lugar dahil sa patuloy na pagbabayad ng ransom kapalit ng paglaya ng kanilang mga kidnap-victims tulad ng ginawa ng ABS-CBN news team.
Ayon kay Sec. Dureza, ang ibinabayad na ransom para sa kalayaan ng kidnap-victim ng ASG ay ginagamit ng bandidong grupo upang bumili ng mga armas at mag-recruit ng kanilang karagdagang puwersa.
“Kaya sumasama ang loob ng mga Sulu officials at residente sa tuwing malalaman nilang nagbabayad ng ransom sa ASG ang mga kaanak ng kidnap-victim dahil lalong pinapalakas lamang nito ang kanilang puwersa at fire-power,” wika pa ng kalihim.
Pinakahuling dinukot ng ASG ang ilang tauhan ng Basilan Electric Cooperative (Baselco) na pinalaya kamakalawa matapos magbayad umano ng ransom. (Rudy Andal)