Susog sa Epira ibinasura
Malamang bumaba na ang halaga ng elektrisidad sa Agosto matapos ibasura ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang planong pagsusog sa Epira Law.
Sinuportahan si Pampanga Congressman Juan Miguel “Mikey” Arroyo sa hanay ng mga negosyante sa kanyang desisyon na huwag nang ituloy ang amyenda sa Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) at tutukan na lang ang epektibong pagpapatupad nito upang matiyak ang pagbaba ng presyo ng kuryente.
Ayon kay Ernie Pantangco, pangulo ng Philippine Independent Power Producers Association (PIPPA), at Arthur Young, president ng Semi-conductors and Electronics Industry of the Philippines (SEIPI), ang desisyon ng nakababatang Arroyo na huwag nang ituloy ang pag-amyenda sa batas ay nag-alis sa malaking pangamba ng mga dayuhang investors hinggil sa pabago-bagong polisiya ng gobyerno sa pagnenegosyo sa bansa.
Si Arroyo ay panganay na anak ni Presidente Gloria at chairman ng House Energy Committee.
Anila, ang pag-atras ni Arroyo sa pag-amyenda sa EPIRA ay pagdinig ng pamahalaan sa kanilang posisyon na hindi na kailangang susugan pa ang batas kung nais ng pamahalaang matiyak ang pagbaba ng presyo ng kuryente.
Ipinunto pa ni Pantangco na kasalukuyan nang dinidinig ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang panukala ng PIPPA, SEIPI at iba pang malalakas gumamit ng kuryente para sa “voluntary interim open access” na una nilang inilabas sa pagdinig ng Senado sa isyu ng mataas na presyo ng kuryente noong nakaraang buwan.
Ipinanukala ang pag-amyenda sa Epira upang pabilisin pa ang pribatisasyon ng Napocor at masimulan na ang pagbaba ng presyo ng kuryente sa bansa na pinakamataas na ngayon sa buong Asya.
Sa naturang panukala, malaya nang makapaghahanap ng mabibilhan nila ng kuryente ang malalaking gumamit nito tulad ng shopping malls at mga kumpanya sa electronics industry.
Bagaman inamin ni Pantangco na unang makikinabang sa bagong sistema ang mga big power producers, mararamdaman din ng or dinaryong mamamayan ang epekto nito batay sa kautusang ilalabas ng ERC.
- Latest
- Trending