Mabibiyayaan na ng libreng acupuncture bilang alternatibong medisina ang mga opisyal at tauhan ng Philippine National Police (PNP) na naglalayong malunasan ang mga sakit na hyperacidity, asthma, sakit ng ulo at iba pang uri ng pananakit ng katawan dulot ng stress.
Hinikayat ni PNP Chief Director General Avelino Razon Jr., ang may 120,000 pulis na sumailalim sa acupuncture kasunod na rin ng isasagawang medical mission sa Hulyo 10 sa Camp Crame ng mga Korean doctors na eksperto sa oriental medicine.
May 20 doktor mula sa Korea ang magsasagawa ng panggagamot. Ito ay libre at ang normal na singil sa ganitong serbisyo ay nasa P2,000 pataas.
Sa naturang mission, aabot sa 300 pulis, mga kaanak ng mga ito at miyembro ng media ang nagpahayag ng pagnanais na sumailalim sa naturang uri ng panggagamot.
Ang medical mission ay pangungunahan ng Rotary Club of Pasay sa pamumuno ni Councilor Emi Calixto-Rubiano at Aida Sy Foundation. (Joy Cantos)