Walang krisis sa basura - MMDA

Nilinaw kahapon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na walang krisis sa basura sa Metro Manila bagama’t nagkaroon umano ng kaunting problema sa tapunan nito noong mga nakaraang linggo.

Sa panayam kay MMDA chairman Bayani Fernando, sinabi nito wala umanong napipintong garbage crisis kahit pa nagsara pansamantala ang 19-hectare na Rodriguez landfill sa Rizal.

Sinabi pa ni Fernando na maliban sa Rodriguez ay may iba namang dumpsites na pinagtatapunan ang MMDA gaya ng nasa Navotas, Pier 18, San Pedro sa Laguna at sa Los Baños.

Pinag-iisipan pa umano ng kanyang tanggapan ang napabalitang pag-anyaya ni Rodriguez Mayor Pedro Cuerpo ng muling pagtapon ng basura ng ahensiya sa nabanggit na landfill bagama’t nag-alok ito ng 40 percent discount.

“Tungkol sa napabalitang inaanyayahan kami ni Mayor Cuerpo na magtapon uli sa kanilang landfill at discounted pa ng 40 percent, amin muna itong pag-aaralan dahil kailangan munang i-consider ang distansiya nito at kung talagang cost-effective,” pahayag pa ni Fernando. (Rose Tamayo-Tesoro)

Show comments