Inatasan kamakailan ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang Department of Environment and Natural Resources na kunin ang suporta ng mga pamahalaang lokal sa solid waste management program ng pamahalaan sa pamamagitan ng paglulunsad ng Zero Basura Olympics.
Idiniin ng Pangulo na kailangan ang suporta ng lahat ng pamahalaang lokal sa programa dahil hindi kakayaning mag-isa ng DENR ang pagpapatupad ng Republic Act 9003 o Ecological Solid Waste Management Act of 2001.
Sa paglulunsad ng Zero Basura Olympics: Fast Track RA 0003 sa Rizal Provincial Capitol sa Pasig City noong nakaraang linggo, nanawagan si DENR Secretary Lito Atienza sa mga pamahalaang lokal na sugpuin ang problema sa basura sa loob ng 300 araw.
“Sa solid waste management, nakikita at naaamoy ang kaaway. Kung gagamitin natin ang ating isip at puso, magagapi natin ang mga isyu sa basura, mapangasiwaan ito at malinis sa basura ang lipunan,” sabi ni Atienza. (Butch Quejada)